Lunes, Agosto 15, 2011

BILANG ISANG PILIPINO


Ilang ulit na ring sinabi sa akin
Na ang aking tungkulin, bayan ko`y ibigin
Bilang isang Pilipino, dapat kong mahalin,
Tulang natutuhan ay aking aawitin:

PANINIWALA SA POONG MAYKAPAL

Bilang isang Pilipino, ako`y naniniwala
Sa Poong Maykapal na nagbibigay biyaya,
Nagpapalakas sa akin kung ako`y napapagod,
Nandito siya upang kabutiha`y itaguyod.

PAGKAKAISA

Bilang isang Pilipino, tayo`y nagkakaisa,
Nagtutulungan sa hirap at ginhawa,
Sabay-sabay tayo laging magkasama
Tunay na karamay, ito`y aking nakita.

PAGKAMAKABAYAN

Bilang isang Pilipino, ipinagmamalaki ko,
Ang aking bayan na mahal kong totoo
Saan man magpunta, aking dala-dala
Pangalan ng bayan kong mahal at malaya.

KASIPAGAN

Bilang isang Pilipino, ako`y mag-aaral ng mabuti
Sa pagbabasa`t pagsusulat, uunlad ang sarili
Nag-aaral ako upang sa `king pagtanda,
Makatulong ako sa pagsulong ng bansa.

PAGGALANG SA BUHAY

Bilang isang Pilipino, ang aking panata,
Igalang ang buhay, matanda ma`t bata
Kapit bisig at kapit kamay
Tayo`y di dapat mag-away.

PAGGALANG SA BATAS AT PAMAHALAAN

Bilang isang Pilipino, aking susundin,
Batas ng bayan, ito`y aking panalangin
Buo at tapat kong paglilingkuran
Mabuting gawain ng mga punong-bayan.

KATOTOHANAN

Bilang isang Pilipino, katotohanan lang ang bigkas
Sa dilang mapanghusga, ako`y laging iiwas,
Tatapang ako sa munting salita
Ipagtatanggol ko ang tapat at tama.

KATARUNGAN

Bilang isang Pilipino, wala akong kinikilingan,
Kung ano man ang tama, aking aalagaan
Ako`y magiging patas at di magiging malupit,
O mang-aalipin man lang ng nakaliliit.

KALAYAAN

Bilang isang Pilipino, ipagtatanggol ko,
Ang karapatan maging anuman ang aking gusto
Ngunit ang kalayaang ito ay may katumbas,
Na ang tungkulin sa baya`y di kumukupas.

PAGMAMAHAL

Bilang isang Pilipino, bibigyan ko ng halaga,
Pagbigay ng kalinga at pag-ibig sa kapwa,
Wala mang kapalit, ako`y magbibigay,
Upang ang hinanarap ay maaaring mabuhay.

PAGKAKAPANTAY-PANTAY

Bilang isang Pilipino, aking kinikilala,
Sa hugis, sukat, tayo`y magkakaiba
Kahit samu`t saring paniniwala`t kulay,
Tayong lahay ay Pilipinong tunay.

KAPAYAPAAN

Bilang isang Pilipino, kami`y magkakasundo,
Ng aking pamilya, ito ang aking pangako
At sa lahat ng mamamayan
Hindi kalupitan ang gagamiting daan.

PAGMAMALASAKIT SA KAPAKANAN NG KAPWA

Bilang isang Pilipino, hindi ako aasa,
Na ang yaman ng iba, sa `kn ay mapunta
Kapakanan ng iba`y uunahin ko,
Nang buo ang loob at taas noo.

PAGKALINGA SA PAMILYA AT SALINLAHI

Bilang isang Pilipino, ako`y nangangakong ibigin
Sina nanay, tatay, at Diyos Ama natin,
Sa aking paglaki`t pagbuo ng tahanan,
Ang pagmamahalan at lalago kailanman.

PANGANGALAGA SA KAPALIGIRAN / KALIKASAN

Bilang isang Pilipino, aking iingatan,
Ang kapaligiran at kalikasan,
Sama-sama nating linisin,
Upang wala nang sagabal sa atin.

KAAYUSAN

Bilang isang Pilipino, aking pahahalagahan,
Ang karapatan ng iba, hindi ko pababayaan
Magbibigay-galang ako at gagawin ang tama,
Ako ang pag-asa ng mahal kong bansa!



Ika-15 ng Agosto, 2011 @ Napindan, Taguig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento