Huwebes, Setyembre 1, 2011

PANGUNGULILA


SILANG, GABRIELA:

Ilang taon na tayong magkasama
Sa piling mo, ako`y laging masaya
Alaala nati`y gustong balikan
`Di mawawalit sa puso`t isipan

Simula noong ikinasal tayo sa simbahan
Labis labis ang nadama kong kaligayahan,
Iyong pagkasi sa aki`y `di mapapantayan
Pangako sa isa`t isa`y `di tatalikuran

Bawat oras at minutong dumaan
O sa gitna ng madugong digmaan
Ikaw o hirang aking inaasam
Gumagaan ang aking pakiramdam

Itong simoy na umaaliw sa akin
Sinugo ko na mahal upang ika`y sunduin
Sirain mong lahat ang sa ati`y balakid
Diego aking sinta, tangi kong pag-ibig

Minsan, isang araw, kailangan mong lumisan
Nais kong sumama`t handa ko kayong tulungan
Dahil sa matinding panganib ang susuungin
`Di ka pumayag na sumama sa iyong piling

Dahil ayaw  mo akong makitang nahihirapan
Na makipaglaban para sa ating lalawigan
Nag-aalala ka at baka ako ay mapaslang
At makita mo akong nakahandusay na lamang

Sa tuwing ilang araw ka nang wala
Aking mahal, ako`y nababahala
At sa iyong muling pagbabalik
Sasalubong ang yakap at halik

Simula nang dumaloy, dugo ng kamatayan
Ikaw ang yakap-yakap at masuyong hinagkan
Nananatiling hawak ko pa ang iyong punyal
Ako`y labis na nalulumbay, Diego kong mahal

Pagdaloy ng luha, hindi ko maiwasan
Tila ako ay bulaklak na nalagasan,
Sa pagmamahal mo, ako`y nangungulila
Mga alaala ay hindi mawawala

Masidhing layunin para sa lalawigan
Ay aking itutuloy hanggang katapusan
Kitlin man ang buhay ko`t aking tatanggapin
Muli kitang makikita`t makakapiling

Sa unang araw ng aking pakikibaka,
Pana, baril, gulok ang aking dala-dala
Mapanglaw na taghoy, kanilang maririnig
At kanilang madinig an gaming hinaing

Sa krus na kahoy, pangalan mo`y naroon
Katawan mo`y sa lupa na nakabaon
Ngunit kaluluwa`y buhay hanggang ngayon
Kahit nahantong mo ang iyong pagyaon.

Ako`y lalakad na
Dadalawin kita
Pagtapos ng digma…



Ika-31 ng Agosto-Ika-1 ng Setyembre, 2011 @ Napindan, Taguig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang

Miyerkules, Agosto 17, 2011

PANGAKO SA IYO


Aking minamahal, aking sinisinta
Sa piling mo, ako ay laging masaya,
Sa ating tipanan, ako`y naghihintay
Upang pagsaluhan, pag-ibig na tunay.

Gaano man kalakas ang bagyong dumating,
Lahat kakayanin at ating susuungin,
Pagmamahal ay mananatiling matatag,
Hindi mawawasak, at hindi matitibag.

At kung may mga taong umaapi,
Narito lang ako sa iyong tabi
Kahit buhay ko ay kayang isugal,
Para lamang sa `yo, aking mahal.

Pagsama sa iba`y hindi ko gagawin
Pangako ko, ikaw lang ang mamahalin,
`Pag ika`y kasama, lagi kang kaniig,
Hindi magbabago, itong aking pag-ibig.

Mga pangako sa `yo`y laging sinasambit
Laging isasapuso ngunit may kapalit:
Huwag kang lalayo, mangungulila ako,
Huwag kang mawawala, mamamanglaw ako.

Nalalapit na ang ating kasal
Ihaharap kita doon sa altar,
Pangako sa Diyos `di kita iiwan,
Pangako sa iyo, ako`y iyo lamang.

Sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa,
Tayong dalawa`y hinding-hindi mawawala,
Sasabay ako sa agos ng iyong buhay
Mawala ka man sa mundo, ako`y sasabay.

Ating sinumpaan, `di tatalikuran
Pangako sa iyo, ikaw lang kailanman,
At ang aking hiling sa Poong Maykapal,
Pag-iibigan nati`y sana`y magtagal.

Pag-ibig na tunay, pag-ibig na wagas,
Pag-ibig ko sa `yo`y walang kupas.

Ika-17 ng Agosto, 2011 @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Lunes, Agosto 15, 2011

BILANG ISANG PILIPINO


Ilang ulit na ring sinabi sa akin
Na ang aking tungkulin, bayan ko`y ibigin
Bilang isang Pilipino, dapat kong mahalin,
Tulang natutuhan ay aking aawitin:

PANINIWALA SA POONG MAYKAPAL

Bilang isang Pilipino, ako`y naniniwala
Sa Poong Maykapal na nagbibigay biyaya,
Nagpapalakas sa akin kung ako`y napapagod,
Nandito siya upang kabutiha`y itaguyod.

PAGKAKAISA

Bilang isang Pilipino, tayo`y nagkakaisa,
Nagtutulungan sa hirap at ginhawa,
Sabay-sabay tayo laging magkasama
Tunay na karamay, ito`y aking nakita.

PAGKAMAKABAYAN

Bilang isang Pilipino, ipinagmamalaki ko,
Ang aking bayan na mahal kong totoo
Saan man magpunta, aking dala-dala
Pangalan ng bayan kong mahal at malaya.

KASIPAGAN

Bilang isang Pilipino, ako`y mag-aaral ng mabuti
Sa pagbabasa`t pagsusulat, uunlad ang sarili
Nag-aaral ako upang sa `king pagtanda,
Makatulong ako sa pagsulong ng bansa.

PAGGALANG SA BUHAY

Bilang isang Pilipino, ang aking panata,
Igalang ang buhay, matanda ma`t bata
Kapit bisig at kapit kamay
Tayo`y di dapat mag-away.

PAGGALANG SA BATAS AT PAMAHALAAN

Bilang isang Pilipino, aking susundin,
Batas ng bayan, ito`y aking panalangin
Buo at tapat kong paglilingkuran
Mabuting gawain ng mga punong-bayan.

KATOTOHANAN

Bilang isang Pilipino, katotohanan lang ang bigkas
Sa dilang mapanghusga, ako`y laging iiwas,
Tatapang ako sa munting salita
Ipagtatanggol ko ang tapat at tama.

KATARUNGAN

Bilang isang Pilipino, wala akong kinikilingan,
Kung ano man ang tama, aking aalagaan
Ako`y magiging patas at di magiging malupit,
O mang-aalipin man lang ng nakaliliit.

KALAYAAN

Bilang isang Pilipino, ipagtatanggol ko,
Ang karapatan maging anuman ang aking gusto
Ngunit ang kalayaang ito ay may katumbas,
Na ang tungkulin sa baya`y di kumukupas.

PAGMAMAHAL

Bilang isang Pilipino, bibigyan ko ng halaga,
Pagbigay ng kalinga at pag-ibig sa kapwa,
Wala mang kapalit, ako`y magbibigay,
Upang ang hinanarap ay maaaring mabuhay.

PAGKAKAPANTAY-PANTAY

Bilang isang Pilipino, aking kinikilala,
Sa hugis, sukat, tayo`y magkakaiba
Kahit samu`t saring paniniwala`t kulay,
Tayong lahay ay Pilipinong tunay.

KAPAYAPAAN

Bilang isang Pilipino, kami`y magkakasundo,
Ng aking pamilya, ito ang aking pangako
At sa lahat ng mamamayan
Hindi kalupitan ang gagamiting daan.

PAGMAMALASAKIT SA KAPAKANAN NG KAPWA

Bilang isang Pilipino, hindi ako aasa,
Na ang yaman ng iba, sa `kn ay mapunta
Kapakanan ng iba`y uunahin ko,
Nang buo ang loob at taas noo.

PAGKALINGA SA PAMILYA AT SALINLAHI

Bilang isang Pilipino, ako`y nangangakong ibigin
Sina nanay, tatay, at Diyos Ama natin,
Sa aking paglaki`t pagbuo ng tahanan,
Ang pagmamahalan at lalago kailanman.

PANGANGALAGA SA KAPALIGIRAN / KALIKASAN

Bilang isang Pilipino, aking iingatan,
Ang kapaligiran at kalikasan,
Sama-sama nating linisin,
Upang wala nang sagabal sa atin.

KAAYUSAN

Bilang isang Pilipino, aking pahahalagahan,
Ang karapatan ng iba, hindi ko pababayaan
Magbibigay-galang ako at gagawin ang tama,
Ako ang pag-asa ng mahal kong bansa!



Ika-15 ng Agosto, 2011 @ Napindan, Taguig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Huwebes, Hulyo 21, 2011

MAHAL PA RIN KITA


Nung una pa lamang kitang nasulyapan
Langit sa tuwa, aking naramdaraman
Masaya ang oras na kapiling kita,
Ngunit nalaman kong mayroon kang iba.

Nang ako`y iiniwan mo nang dahil sa kanya
Labis na kalungkutan ang aking nadama
Paghihinagpis ng puso`y lumala pa,
Sapagkat hindi kayang limutin ka.

Ngayon ay wala nang ibang magagawa,
Sapagkat sa kanya ka lumiligaya
Kitang-kita ang maligaya mong mukha,
Sa piling niya ay labis-labis ang saya.

Kung sakaling ikaw ay kanyang iwan,
Nandito ako, hindi kita pababayaan
Mamahalin kita nang walang hanggan,
At ang puso ko`y sa `yo lang ilalaan.



Buwan ng Hulyo 21, @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Lunes, Hulyo 4, 2011

ILANG TAON NA


Sa tuwing madalas akong nag-iisa,
Pakiramdam ko`y mayroon akong kasama
Bukod sa Maykapal, anino`y nandiyan,
Araw, gabi, ikaw ay nagpaparamdam.

Ilang taon na nung kita`y nakilala,
Simula nooong ako`y elementarya
Baitang anim, doon nagsimula,
Pagbasa ng talalmbuhay mo`t paghanga.

Lagi, ako ay mayroong nakikita
Mga lalaking tila iyong kamukha,
Kapag ang buhok nila`y mahaba na,
Bumabalik ang aking alaala,

Alaala na ako ay sinusundan
Ng isang anino, saan ma`t kailanman
Dahil sa `yo, natuto akong lumaban
At natuto akong maging makabayan.

Ilang taon na nang iyong itatag
Dahil sa iyong tapang na nakatatak
Ang `yong Republika ng Katagalugan,
Layuni`y mapalaya ang ating bayan.

Mapalaya laban sa mga dayuhan
Kaya`y kayo`y sumugod, ika`y lumaban
At ipinagtanggol ang mga mamamayan,
Upang magkaroon na ng kalayaan.

Ilang taon ring ika`y nakipaglaban,
Minsa`y nagwawagi at may kabiguan
Sagisag ng tapang nating Pilipino
Lumaban sa Kastila`t Amerikano.

Ang tingin ng iba, isa kang tulisan
Kaya`t ika`y hinuli`t pinaratangan,
Ikaw ay hinabla at inakusahan,
Ng mga Kano, parusa`y kamatayan.

At ilang taon na nang ika`y paslangin,
Kahit paano`y may nagawa ka pa rin,
Ang iyong laban ay itutuloy namin,
Sino ang gagawa? Kundi kami pa rin.

Halos ilang taon na ang nakakalipas,
Pagkamakabayan mo ay walang kupas,
Kahit ang iba ay hindi ko kilala,
Ikukwento ko, para maalala ka.

At ilang taon na ang nagdaan,
Hinding-hindi ka namin malilimutan
Pati ang `yong nagawang kabayanihan,
Mananatili sa `ming puso`t isipan.



*Alay kay Heneral Macario Sakay*

Buwan ng Hulyo, 2012 @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang




Martes, Pebrero 1, 2011

WAS SAKAY REALLY A BANDIT?


“Was Sákay really a bandit?”
Ang laging tanong nila`t banggit
Ng mga taong `di pa alam
Ang ginawa mong kabayanihan.

Noong paslangin si Andres Bonifacio,
Sumuko`t umayaw ang iba niyang mga hukbo
Pero ikaw Sákay, hindi ka sumuko
Lumaban sa mga Kastila`t Kano.

Nung si Aguinaldo`y tila dagang tinutugis,
Ng mga Kano`t sa una`y walang mintis
Hanggang siya ay masukol, nahuli`t nanikluhod,
Sa mga Kano, ang mga bagong mananakop.

Para sa Panginoon at sa Inang Bayan
Kay Bonifacio, para rin sa mamamayan,
Ang iyong Republika ng Katagalugan
Ikaw at ang iyong hukbo`y lumaban.

Ang mga matapat mong kasama,
Mga hukbo at sariling bandila
Mga batas, layunin at ang adhika,
Na mapalaya ang ating Inang Bansa.

Ikaw daw ay marahas at malupit,
Sabi ng iba`t madalas pang sambit
Disiplina mong pinapairal,
Ang magtaksil, kapalit kamatayan.

Sinuman sa kanyang mga hukbo,
Opisyal, tauhan, mga miyembro,
A ng nagkasala at siya mismo
Ang hahatol sa kamatayan mo.

Ikaw ay matinik, mahusay magplano,
Walang pasubaling ika`y henyo,
Kaya naman ang kalaba`y bahsak,
Ang tapang mo, sa iyo nakatatak.

Nung `di ka sumuko sa mga Amerikano,
Tinutugis ka`t hindi bilang rebolusyonaryo
Iba ang tingin sa `yo mga ng mga Kano,
Masakit ito sa amin, nang tawagin kang BANDIDO.

O Macario Sákay, lumaban ka pa rin,
Kahit bawal ang watawat, winagayway mo pa rin!
Sumugod ang mga kalaban, sumugod ka rin,
Para lamang sa bayan at para lang sa atin.

At ika`y sumuko sa mga Amerikano,
Sabi daw, may asembleyang ipapangako
Na kinabibilangan ng mga Pilipino,
Kalayaan ng bansa nati`y doon ang tungo.

Ika`y sumang-ayon at nagtiwala
Pumayag na isalong ang sandata
Kayo` bumaba sa punong himpilan
Sa iyong Republika ng Katagalugan.

Napilitang gumamit ng panlilinlang
Ang mga abusadong Kano, yun ay para lang
Maisakatuparan ang pahdakip sa `yo,
Naglulubid-buhangin lang pala ang mga Kano!

Ang iyong hiling at iyong inaasam,
Makamit  ang kalayaan n gating bayan
May magyayari, alam mo ba kung ano?
May panganib palang naghihintay sa `yo!

Nang ika`y imbitahan sa salu-salo,
Kasama ang iyong mga hukbo
Ngunit bakit? Bakit nangyari ito?
Ika`y sinunggaban ng isang Kano?

Gayundin ang iba mong kasamahan,
Mga sandata`y inagaw ng dayuhan
Ikaw, Sákay, kanilang pinaratangan,
Pinaratangan ng panunulisan.

Kayo`y ikinulong sa bilangguan
Doon ay madilim at walang laman,
Ngunit nagkaroon na`t nadagdagan
Tulisan ba kayo? `Di bat hindi naman?

Setyembre a-trese, labingsiyam na libo`t pito,
Kamatayan pala ang hatol sa iyo
At ito`y tinanggap mo ng buong puso,
May isinigaw ka habang nakatayo:

Sinigaw mo na hindi kayo bandido,
Haharapin mo ang Diyos ng buong puso
Humiling na sana`y makamit ang kalayaan,
Na inaasam-asam ng mamamayan.

Ang sigaw na iyon, sigaw ng matapang
Ang kasunod nito`y paalam sa bayan
Binigti kasama si Lucio de Vega
Ng mga Amerikanong walang-awa.

Ang dugong pumapatak mula sa iyong bibig,
Tila ito`y patak ng ulang galit na galit
Lumuluha at parang sugaw naming lahat,
“HINDI SIYA BANDIDO!” ang aming iniiyak.

Hanggang katapusan, hindi kailanman
Hindi namuti ang iyong talampakan,
Kahit naharap mo ang kamatayan,
Ikaw ay namatay para sa bayan.

Bandido ka raw, Macario Sáakay?
Hindi, hindi! Bayani kang tunay.
Talambuhay mo`y aming binasa,
Monument mo`y aming nakita.

Hindi malilimutan kalianman,
Ang nagawa mong kabayanihan,
Sa isip, sa salita at gawa,
Maging sa aming puso`t diwa.

“Was Sákay really a bandit?”
Ang laging tanong nila`t banggit
Ng mga taong `di pa alam
Ang ginawa mong kabayanihan.

“Was Sákay really a bandit?”
`Yan ang nasa isip at laging sambit,
Bandido siya sa paningin ng iba
Sa paningin namin, bayani siya.

Sa bawat sandaling naaalala ka,
Kabayanihan mo`y aming halimbawa
Ibinuwis mo ang iyong buhay,
Para lang sa bayan, o MACARIO SÁKAY!


Ang tulang ito ay isinulat/ginawa ko noong ako`y nasa ikalawang taon ng sekondarya, buwan ng Pebrero taong 2011, bilang maagang paghahanda para sa ika-13 ng Setyembre 2011, ang ika-104 na anibersaryong pagkamatay ng Ama ng Republika ng Katagalugan, si Macario Sakay.


Buwan ng Pebrero, 2011 @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang