Huwebes, Oktubre 4, 2012

EDUKASYON (Kahalagahan)


Ang pagkakaroon ng isang mataas at matibay na edukasyon ay isang saligan upang mabago ang takbo ng isang lipunan tungo sa pagkakaroon ng isang masaganang ekonomiya. Mataas na edukasyon na hindi lamang binubuhay ng mga aklat o mga bagay na natutunan sa ating mga paaralan. Bagaman, kasama ito sa mga pangunahing elemento upang magkaroon ng sapat na edukasyon, ang praktikal na edukasyon na nakabase sa ating araw-araw na pamumuhay ang siya pa ring dapat na piliting maabot. Matibay ang isang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan bunga ng mga pormal na pag-aaral sa ilang asignatura at mga bagay na tungkol naman sa buhay at kung paano mabuhay ng maayos.

Ang edukasyon ang nagiging daan tungo sa isang matagumpay na hinaharap ng isang bansa. Kung wala nito, at kung ang mga mamamayan ng isang lipunan ay hindi magkakaroon ng isang matibay at matatag na pundasyon ng edukasyon, magiging mahirap para sa kanila na abutin ang pag-unlad. Marapat lamang na maintindihan na ang edukasyon ay siyang magdadala sa kanila sa kanilang mga inaasam na mga mithiin.

Ang unang layunin ng edukasyon ay upang magkaroon ng kaalaman sa mga bagay-bagay at impormasyon sa kasalukuyan, sa hinaharap at sa kinabukasan. Ito ang nagsisilbing mekanismo na humuhubog sa isipan, damdamin at pakikisalamuha sa kapwa ng isang tao. Ito rin ang dahilan ng mga mabubuti at magagandang pangyayari sa ating mundo at ginagalawang kapaligiran.

Ang edukasyon ay kailangan ng ating mga kabataan sapagkat ito ang kanilang magiging sandata sa buhay sa kanilang kinabukasan. Ang kanilang kabataan ang siyang estado kung saan nila hinahasa ang kanilang mga kaisipan at damdamin sa mga bagay na kailangan nila sa kanilang pagtanda. Ang edukasyon ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan sa isang tao upang magkaroon ng mga kaalaman tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at komunidad na ginagalawan. Ito ang naghuhubog ng mga kaisipan tungo sa isang matagumpay na mundo na kailangan ng bawat isa upang lubusang mapakinabangan ang daigdig at malaman ang mga layunin nito. 

Ang kabataan ay nararapat lamang na magkaroon ng sapat na edukasyon sa pamamagitan ng kanilang karanasan at pormal na programa na nakukuha sa mga paaralan. Ito ang kanilang magiging armas upang maharap nila ang mga bagay na kaakibat ng kanilang magiging kinabukasan. At dahil sila ang ating pag-asa, nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang lahat ng edukasyon na kailangan nila upang maabot nila ang mga pangarap na nais nilang matupad. 




Ika-4 Oktubre, 2012 @ Jose Rizal University, Mandaluyong
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang

Lunes, Oktubre 1, 2012

ESPESYAL


Isa akong espesyal na bata. Mula pa man noon ay palagi akong nakatatanggap ng kung anu-anong insult mula sa iba. Hindi ko alam…wala akong natatandaang anumang masama na ginawa sa kanila…ngunit saan man ako magtungo ay pare-pareho pa rin ang nakukuha kong reaksyon mula sa mga taong nakapaligid sa akin.
                                
Palagi akong pinapahiya at pinagdidiskitahan. Pilit kong lumaban ngunit nabigo ako kaya ipinasya ko na lamang na manahimik at magsaalang kibo. Natuto na akong umiwas sa iba…wala akong kaibigan. Gayunpaman ay ipinamalas ko ang galing at talino ko sa klase…sinisiguro ko na palagi na ako ang mangunguna sa klase, akademia, at isports.

Sa aking paglaki ay dala ko ang ugaling iyon…nagtapos ako ng elementarya na una sa aming klase, ngunit sa kabila ng tagumpay ay ramdam ko ang kalungkutan…ramdam ko ang usap-usapan ng mga tao habang hindi ako nakatingin…masakit. Sa lahat ng mga paghihirap na ginawa ko ay wala pa ring nangyari.

Pinilit kong huwag pansinin iyon at ituon ang aking pansin sa mga darating pang bukas. Itinuloy ko ang aking buhay. Nananatiling mailap at pala-iwas ako sa ibang tao. Hindi pinapansin ang iba…kung mayroon mang pagkakataon na kinakailangang makipagtulungan ako sa isang grupo, ay agad kong lalapitan ang aming guro at hihingi ng gawaing pang-isahan…magtatanong sila ngunit hindi maglalaon ay bibigay rin.

Dumaan ang mga araw at hindi ko namalayan na magtatapos na naman ang pamamalagi ko sa hayskul. Maya-maya ay napatingin ako sa aking mga kamag-aral, naka-kumpol sila sa isang sulok habang masayang nagkukwentuhan…

Naramdaman ko ang inggit, selos at paghihinagpis…ilang saglit pa ay hindi ko namalayang tumutulo na ang aking luha. Napansin ko rin na nakatunghay sila sa akin. Agad kong pinahid ang aking luha at nagmamadalling lumabas sa silid upang tumungo sa palikuran.

Sa daan ay natigilan ako…isang bata ang nakatayo malapit sa may pintuan ng palikuran…nakayuko…umiiyak…nagpasya akong bumalik na lamang sa aming silid nang mapansin ko ang oras, hindi alintana ang umiiyak na bata. Nang muli kong lingunin ang bata sa kanyang kinatatayuan ay wala na ito.

Isang misteryo sa akin ang pangyayaring iyon…hanggang sa maulit ito.

Habang naglalakad pauwi ay napansin ko ang isang bata na naglalakad sa kabilang kalsada. Maya-maya ay tumigil ito. Dahil sa pagmamasid dito, hindi ko namalayan na nakabunggo ako ng isang matanda, nalaglag ang mga dala nito maging ang ilang libro na hawak ko. Dala ng kagandahang asal na turo ng aking ina noon, pinulot ko ang mga dalahin nito. Nagula ako nang hawakan niya ang aking kamay at sabihing “espesyal ka sa iba”…agad niyang kinuha ang kanyang gamit sa aking palad at lumakad na tila walang anumang nangyari. Nilingon ko ang kinatatayuan ng bata kanina ---wala na ito roon.

Ang mga pangyayaring iyon ang naging palaisipan sa akin…una ay ang bata na umiiyak, ang bata na naglalakad at ang mga sinabi ng matanda. Dahil wala akong maisip na kasagutan ay ipinagsawalang-bahala ko na lang ang mga iyon.

Ilang araw ang lumipas at unti-unting nakalimutan ko na ang mga pangyayari. Bumalik ako sa dating gawi…mailap at palaging umiiwas. Ni hindi ko malapitan ng aking mga kaklase…batid ko na ilan sa kanila ang nahihiwagaan sa mga inaasal ko maging sa kilos ko…ilan din sa kanila ay hindi magkakailang may inis na nararamdaman sa akin. Wala akong pakialam…nasanay na akong nag-iisa.

Hanggang isang araw…

Dumating ako sa aming silid aralan…napakatahimik doon. Pagpasok ko ay ramdam ko ang pagsunod ng bawat isa ng tingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit, pero nanibago ako. Biglang napasulyap ako sag awing likuran ng silid…naroroon ang bata, naktingin ito sa akin. Gayon din ang mga kamag-aral ko, tila wala sila sa kanilang sarili. Maya-maya pa ay isa-isang pinanawan ng ulirat ang bawat isa. Kada nahihimatay, lumalapit ang bata…palapit ng palapit sa akin. Hindi ko alam ang gagawin…gusto kong sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa aking bibig…gusto kong humingi ng tulong ngunit hindi ko magawa. Muli ay bumalik sa aking balintataw ang sinabi ng matanda sa akin: na ako ay “espesyal”…. Espesyal? Sa paanong paraan? Matutulungan ba ako ng pagiging espesyal na iyon ngayon?

Ilang hakbang na lang ang layo ng bata sa akin. Nakapagtatakang walang dumating na guro sa oras na iyon. Nang sulyapan ko ang aking orasan ay nakatigil iyon...pagtingin ko naman sa orasan n gaming silid-aralan ay nakatigil din iyon…ilang saglit pa ay napagtanto ko na nakatigil nga ang oras.

Nakatigil ang oras… nakatigil ang oras…paano nangyari iyon?

Nasa gitna ako ng pag-aalinsa nang may narinig ako: ESPESYAL KA!

(ITUTULOY)


10/1/12 @ JRU Bldg. A, 3rd flr.
Copyright © Anne Todio, 2012
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Huwebes, Pebrero 16, 2012

KABATAANG PILIPINO....



Larawan ka ng kasiglahan, ng pag-asa at katatagan. Katatagang ipinagkaloob sa iyo ng Poong Makapal na dapat mong gamting kalasag sa iyong pagsuong sa mga pagsubok sa buhay. Lalo mong kailangang gamitin ang tatag ng iyong puso sa pagtupad sa mga pananagutan mo sa iyong sarili, sa iyong kapwa at sa ating bayan. Sa angkin mong sigla, maghandog ka ng buo mong makakaya nang walang pag-aalinlangan sa paglilingkod sa iyong sariling tahanan, sa pamayanang iyong kinabibilangan at sa bayang iyong kinagisnan.

Matagumpay mong maisasakatuparan ito kung patutunayan mong sa pamamagitan ng iyong tiwala sa sariling talino at kakayahan sa paggawa at paglilingkod ay isa kang di-maigugupong nilalang na magiging sandigan ng isang matatag at magandang kinabukasan.


Kabataan, supling ka ng lahing Pilipino. Isa kang lahing magiting, masipag, at marangal.


Nakasalalay sa iyong kamay ang maningning na kinabukasan ng ating bansa. Kailangang maging mulat at handa ka sa tawag ng mga pangangailangan ng ating bayan sapagkat may mahalaga kang pananagutan dito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglilingkod na may kalakip na kasipagan, katapatan, at sariling kapangakuan.


Upang makatulong, panatilihin mo ang kagandahan ng ating bayan. Pangalagaan mo at pagyamanin ang ating mga likas na yaman at kapaligiran. Maging kabalikat ka sa pagpapahalaga at pagpapalaganap ng ating kulturang kasasalaminan ng sariling wika, ng sining, ng mga tradisyon at ng mga katutubong kaugalian. Patunayan mong ikaw ang bagong kabataang Pilipino na kusang gumagawa at nabubuhaynag marangal; may angking talino sa pagtatanggol ng sariling karapatan kung ikaw ay nasa matwid. Higit sa lahat, ipagsanggalang mo ang ating Inang Bayan kung kinakailangan sukdulang ibuwis mo ang sariling buhay.


Ikaw, Kabataan, ay hindi isang pulo sa iyong sarili. Hindi ka maaaring mabuhay nang nag-iisa. Kailangan mong makisalamuha at makipamuhay sa iyong kapwa, sa kapwa mo Pilipino at sa ibang mamamayan ng daigdig.


Sa larangan ng karunungan, hanapbuhay, at pagkakalakalan, may mahalaga kang bahaging dapat isabalikat.


Maging kasangkapan ka ng kapayapaan sa panahong laganap ang hidwaan dahil sa hindi pagkakaunawaan ng tao sa kapwa tao, ng bansa sa kapwa bansa. Makiisa ka sa pagpapalaganap ng mabuting pagkakapatiran sa kapwa upang matamo ang katiwasayan, katahimikan, at kaunlarang pandaigdig. Harapin mo ang katotohanang ang pinakamahalagang yaman ng isang tao ay ang tatak ng kanyang kabutihan at pag-unawa sa kahinaan, kapintasan o kahusayan ng iba. Ipamalas mong ikaw ang matibay na buklod  ng pakikipag-ugnayang pambansa`t pandaigdig.


Isang katotohanang di mapasusubalian na lahat ng bagay sa mundo ay maaari nating makamit ngunit hindi dahil lamang sa sarili nating kakayahan. May isang Makapangyarihan at Dakila na namamatnugot sa ating buhay, ang Poong Maykapal. Walang mangyayari sa mundo nang di Niya kalooban o kagustuhan.

Sa pagtahak mo, Kabataan, sa landas ng buhay, kaagapay mo Siya sa pagsuong sa mga suliranin. Kasama mo Siya at karamay sa lahat ng iyong pagpupunyagi upang mapaunlad ang iyong sarili, mapabuti ang kalagayan ng iyong tahanan, matulungan ang iyong kapwa sa oras ng mga pangangailangan at mapaglingkuran ang bayan at daigdig tungo sa kaunlaran.


Kaya dapat mong matanto ang katotohanang ito. Gawin mong UNA ang Panginoon sa lahat ng iyong nilalayon at ginagawa. Gaano man kababa ang iyong pangarap sa buhay, gaano man kaliit ang iyong maitutulong sa kapwa, ialay mo ito sa KANYA bilang tanda ng iyong tunay na pagmamahal at pagpupuri sa Kanyang Banal Na Pangalan. Gawin mong pangunahing tunguhin sa iyong buhay ang maging karapat-dapat ka sa kadakilaan ng ating Panginoon...


2/6/12
Copyright © Anne Todio, 2012
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang

Huwebes, Setyembre 1, 2011

PANGUNGULILA


SILANG, GABRIELA:

Ilang taon na tayong magkasama
Sa piling mo, ako`y laging masaya
Alaala nati`y gustong balikan
`Di mawawalit sa puso`t isipan

Simula noong ikinasal tayo sa simbahan
Labis labis ang nadama kong kaligayahan,
Iyong pagkasi sa aki`y `di mapapantayan
Pangako sa isa`t isa`y `di tatalikuran

Bawat oras at minutong dumaan
O sa gitna ng madugong digmaan
Ikaw o hirang aking inaasam
Gumagaan ang aking pakiramdam

Itong simoy na umaaliw sa akin
Sinugo ko na mahal upang ika`y sunduin
Sirain mong lahat ang sa ati`y balakid
Diego aking sinta, tangi kong pag-ibig

Minsan, isang araw, kailangan mong lumisan
Nais kong sumama`t handa ko kayong tulungan
Dahil sa matinding panganib ang susuungin
`Di ka pumayag na sumama sa iyong piling

Dahil ayaw  mo akong makitang nahihirapan
Na makipaglaban para sa ating lalawigan
Nag-aalala ka at baka ako ay mapaslang
At makita mo akong nakahandusay na lamang

Sa tuwing ilang araw ka nang wala
Aking mahal, ako`y nababahala
At sa iyong muling pagbabalik
Sasalubong ang yakap at halik

Simula nang dumaloy, dugo ng kamatayan
Ikaw ang yakap-yakap at masuyong hinagkan
Nananatiling hawak ko pa ang iyong punyal
Ako`y labis na nalulumbay, Diego kong mahal

Pagdaloy ng luha, hindi ko maiwasan
Tila ako ay bulaklak na nalagasan,
Sa pagmamahal mo, ako`y nangungulila
Mga alaala ay hindi mawawala

Masidhing layunin para sa lalawigan
Ay aking itutuloy hanggang katapusan
Kitlin man ang buhay ko`t aking tatanggapin
Muli kitang makikita`t makakapiling

Sa unang araw ng aking pakikibaka,
Pana, baril, gulok ang aking dala-dala
Mapanglaw na taghoy, kanilang maririnig
At kanilang madinig an gaming hinaing

Sa krus na kahoy, pangalan mo`y naroon
Katawan mo`y sa lupa na nakabaon
Ngunit kaluluwa`y buhay hanggang ngayon
Kahit nahantong mo ang iyong pagyaon.

Ako`y lalakad na
Dadalawin kita
Pagtapos ng digma…



Ika-31 ng Agosto-Ika-1 ng Setyembre, 2011 @ Napindan, Taguig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang

Miyerkules, Agosto 17, 2011

PANGAKO SA IYO


Aking minamahal, aking sinisinta
Sa piling mo, ako ay laging masaya,
Sa ating tipanan, ako`y naghihintay
Upang pagsaluhan, pag-ibig na tunay.

Gaano man kalakas ang bagyong dumating,
Lahat kakayanin at ating susuungin,
Pagmamahal ay mananatiling matatag,
Hindi mawawasak, at hindi matitibag.

At kung may mga taong umaapi,
Narito lang ako sa iyong tabi
Kahit buhay ko ay kayang isugal,
Para lamang sa `yo, aking mahal.

Pagsama sa iba`y hindi ko gagawin
Pangako ko, ikaw lang ang mamahalin,
`Pag ika`y kasama, lagi kang kaniig,
Hindi magbabago, itong aking pag-ibig.

Mga pangako sa `yo`y laging sinasambit
Laging isasapuso ngunit may kapalit:
Huwag kang lalayo, mangungulila ako,
Huwag kang mawawala, mamamanglaw ako.

Nalalapit na ang ating kasal
Ihaharap kita doon sa altar,
Pangako sa Diyos `di kita iiwan,
Pangako sa iyo, ako`y iyo lamang.

Sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa,
Tayong dalawa`y hinding-hindi mawawala,
Sasabay ako sa agos ng iyong buhay
Mawala ka man sa mundo, ako`y sasabay.

Ating sinumpaan, `di tatalikuran
Pangako sa iyo, ikaw lang kailanman,
At ang aking hiling sa Poong Maykapal,
Pag-iibigan nati`y sana`y magtagal.

Pag-ibig na tunay, pag-ibig na wagas,
Pag-ibig ko sa `yo`y walang kupas.

Ika-17 ng Agosto, 2011 @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Lunes, Agosto 15, 2011

BILANG ISANG PILIPINO


Ilang ulit na ring sinabi sa akin
Na ang aking tungkulin, bayan ko`y ibigin
Bilang isang Pilipino, dapat kong mahalin,
Tulang natutuhan ay aking aawitin:

PANINIWALA SA POONG MAYKAPAL

Bilang isang Pilipino, ako`y naniniwala
Sa Poong Maykapal na nagbibigay biyaya,
Nagpapalakas sa akin kung ako`y napapagod,
Nandito siya upang kabutiha`y itaguyod.

PAGKAKAISA

Bilang isang Pilipino, tayo`y nagkakaisa,
Nagtutulungan sa hirap at ginhawa,
Sabay-sabay tayo laging magkasama
Tunay na karamay, ito`y aking nakita.

PAGKAMAKABAYAN

Bilang isang Pilipino, ipinagmamalaki ko,
Ang aking bayan na mahal kong totoo
Saan man magpunta, aking dala-dala
Pangalan ng bayan kong mahal at malaya.

KASIPAGAN

Bilang isang Pilipino, ako`y mag-aaral ng mabuti
Sa pagbabasa`t pagsusulat, uunlad ang sarili
Nag-aaral ako upang sa `king pagtanda,
Makatulong ako sa pagsulong ng bansa.

PAGGALANG SA BUHAY

Bilang isang Pilipino, ang aking panata,
Igalang ang buhay, matanda ma`t bata
Kapit bisig at kapit kamay
Tayo`y di dapat mag-away.

PAGGALANG SA BATAS AT PAMAHALAAN

Bilang isang Pilipino, aking susundin,
Batas ng bayan, ito`y aking panalangin
Buo at tapat kong paglilingkuran
Mabuting gawain ng mga punong-bayan.

KATOTOHANAN

Bilang isang Pilipino, katotohanan lang ang bigkas
Sa dilang mapanghusga, ako`y laging iiwas,
Tatapang ako sa munting salita
Ipagtatanggol ko ang tapat at tama.

KATARUNGAN

Bilang isang Pilipino, wala akong kinikilingan,
Kung ano man ang tama, aking aalagaan
Ako`y magiging patas at di magiging malupit,
O mang-aalipin man lang ng nakaliliit.

KALAYAAN

Bilang isang Pilipino, ipagtatanggol ko,
Ang karapatan maging anuman ang aking gusto
Ngunit ang kalayaang ito ay may katumbas,
Na ang tungkulin sa baya`y di kumukupas.

PAGMAMAHAL

Bilang isang Pilipino, bibigyan ko ng halaga,
Pagbigay ng kalinga at pag-ibig sa kapwa,
Wala mang kapalit, ako`y magbibigay,
Upang ang hinanarap ay maaaring mabuhay.

PAGKAKAPANTAY-PANTAY

Bilang isang Pilipino, aking kinikilala,
Sa hugis, sukat, tayo`y magkakaiba
Kahit samu`t saring paniniwala`t kulay,
Tayong lahay ay Pilipinong tunay.

KAPAYAPAAN

Bilang isang Pilipino, kami`y magkakasundo,
Ng aking pamilya, ito ang aking pangako
At sa lahat ng mamamayan
Hindi kalupitan ang gagamiting daan.

PAGMAMALASAKIT SA KAPAKANAN NG KAPWA

Bilang isang Pilipino, hindi ako aasa,
Na ang yaman ng iba, sa `kn ay mapunta
Kapakanan ng iba`y uunahin ko,
Nang buo ang loob at taas noo.

PAGKALINGA SA PAMILYA AT SALINLAHI

Bilang isang Pilipino, ako`y nangangakong ibigin
Sina nanay, tatay, at Diyos Ama natin,
Sa aking paglaki`t pagbuo ng tahanan,
Ang pagmamahalan at lalago kailanman.

PANGANGALAGA SA KAPALIGIRAN / KALIKASAN

Bilang isang Pilipino, aking iingatan,
Ang kapaligiran at kalikasan,
Sama-sama nating linisin,
Upang wala nang sagabal sa atin.

KAAYUSAN

Bilang isang Pilipino, aking pahahalagahan,
Ang karapatan ng iba, hindi ko pababayaan
Magbibigay-galang ako at gagawin ang tama,
Ako ang pag-asa ng mahal kong bansa!



Ika-15 ng Agosto, 2011 @ Napindan, Taguig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang


Huwebes, Hulyo 21, 2011

MAHAL PA RIN KITA


Nung una pa lamang kitang nasulyapan
Langit sa tuwa, aking naramdaraman
Masaya ang oras na kapiling kita,
Ngunit nalaman kong mayroon kang iba.

Nang ako`y iiniwan mo nang dahil sa kanya
Labis na kalungkutan ang aking nadama
Paghihinagpis ng puso`y lumala pa,
Sapagkat hindi kayang limutin ka.

Ngayon ay wala nang ibang magagawa,
Sapagkat sa kanya ka lumiligaya
Kitang-kita ang maligaya mong mukha,
Sa piling niya ay labis-labis ang saya.

Kung sakaling ikaw ay kanyang iwan,
Nandito ako, hindi kita pababayaan
Mamahalin kita nang walang hanggan,
At ang puso ko`y sa `yo lang ilalaan.



Buwan ng Hulyo 21, @ Rizal High School, Pasig City
Copyright © Anne Todio, 2011
www.facebook.com/iniidolokosiGabrielaSilang